Mga Ligtas Tips Ngayong Panahon ng Tag-ulan

Students walk home in the rain after the suspension of classes due to rainfall from Typhoon Nesat in Quezon City, Metro Manila September 26, 2011. The Department of Education suspended afternoon classes in the preschool, elementary and high school levels of both private and public schools in Metro Manila due to Typhoon Nesat, which is locally known as Tropical storm Pedring, according to local media reports. REUTERS/Cheryl Ravelo (PHILIPPINES - Tags: SOCIETY ENVIRONMENT)

Tag-ulan na naman, mga ka-EV Learners! Kaya narito ang ilang ligtas tips na maaaring makatulong sa inyo di lamang tuwing tag-ulan kundi pati na rin sa panahon ng bagyo. Mahalagang isaalang-alang ang mga ito para na rin sa kaligtasan at kalusugan ng bawat isa.

1. Huwag kalimutang dalhin ang payong kapag lalabas ng bahay.

Isa sa mga pangunahing panangga natin sa ulan ay ang payong. Ginagamit din natin ito tuwing-tag-araw, ngunit mukhang mas mahalagang dalhin ito kapag umuulan para hindi tayo nababasa. Kapag wala ka namang payong, pwede namang gumamit din ng rain coat. Ugaliin ding magsuot ng damit na angkop sa malamig na panahon. Pwedeng gumamit ng jacket o sweater at bota para mas ligtas ka sa buhos ng ulan. Ugaliing ilagay palagi sa bag ang payong para hindi ito makalimutan.

2. Kung malakas ang ulan, huwag nang lumabas kung hindi naman mahalaga ang pupuntahan. 

Kapag ang lakad ay hindi naman ganun ka-importante at pwedeng ipagpabukas, ipagpaliban na ang pag-alis ng bahay lalo na kapag malakas ang ulan. Para na rin maiwasan ang pagka-stranded sa mga lugar na hindi na madaanan ng mga sasakyan o kahit tricycle dahil binabaha na. Nariyan din ang napakabagal ng takbo ng mga sasakyan kapag trapik, o di kaya’y mga aksidente sa kalsada. Maiiwasan din ang paglalakad sa baha na maaring magdulot ng mga sakit, at isa na rito ang leptospirosis. Ang pananatili sa bahay ang pinakamainam na gawin kapag malakas ang ulan lalo na kung may bagyo.

3. I-charge ang cellphone o portable na radyo at mga bagay na pwedeng magamit kung sakaling mawalan ng kuryente sa inyong lugar.

Kapag may paparating na bagyo sa inyong lugar, mas maiging i-charge ang inyong cellphone, flashlight, radyo, o anumang kagamitan na maaaring magamit sakaling mawalan ng kuryente sa inyong lugar. Mahalaga ang mga ito hindi lamang para makibalita kung saang banda na ang bagyo o makinig sa mga mahahalagang anunsyo, kundi para rin matawagan at makumusta ang mga mahal sa buhay.

4. Ihanda ang mga kagamitang pang-emergency.

Inaasahan na rin na may biglaang pagkawala ng kuryente o kaya ay pag-apaw ng tubig sa mga ilog lalo na kapag sunod-sund ang tag-ulan o pagdating nga mga bagyo. Bago pa man umabot sa mga ganitong pangyayari, mas maiging ihanda ang mga kagamitang pag-emergency kung saka-sakaling kailangan lumikas sa mas ligtas na lugar. Narito ang ilan sa mga bagay na dapat nasa go-bag ninyo:

  • Pagkain na de lata at may easy open tab
  • Tubig
  • Signaling kit (flashlight na may baterya, at pito)
  • Kandila, kumot, at mga gamot
  • Hygiene kit (sabon, toothpaste, shampoo, etc.)
  • Importanteng dokumento tulad ng birth certificate, ID at iba pa na ilalagay sa isang waterproof na lalagyan
  • Powerbank
  • Battery-powered radio
  • Tali

Huwag dalhin ang mga gamit na hindi masyadong kailangan. Tandaan na ang go-bag o quick-run bag ay dapat na hindi masyadong mabigat o puno ng mga gamit kung saan ang iba ay hindi naman magagamit sa iyong paglikas.

5. Kumpunihin ang mga sirang gamit o appliances.

Bago tumama ang bagyo, mainam na suriin kung may kailangang ayusin o kumpunihin sa inyong tahanan. Kung meron, mahalagang maayos ito dahil pag hindi naagapan at naabot ng bagyo, maaring hindi na talaga ito magamit. Ipuwesto rin sa matataas na parte ng bahay ang appliances para hindi masira ng tubig-baha. Kung imposibleng mapwesto ang mga ito sa mataas na lugar, pwede ring ibalot ito sa box at pagkatapos ay ilagay sa makapal na cellophan para hindi mapasukan ng tubig. Takpan din ang saksakan o outlet para hindi abutin ng tubig.

6. Bantayan ang mga anunsyo ng PAG-ASA, lokal na pamahalaan, at barangay.

Tumutok palagi sa mga balita at anunsyo ng PAG-ASA o lokal na pamahalaan tungkol s progreso o takbo ng bagyo. Alamin din ang mga lugar na binabaha na para maiwasan ito kung sakaling kakailanganing lumikas ng inyong pamliya. Lagi ding bantayan ang mga suspensyon ng pasok sa eskuwela at opisina upang hindi na sumugod pa sa kasagsagan ng pag-ulan.

6. Ihanda ang emergency numbers.

Isa ito sa mga kalimitan ay nakakalimutan ng lahat sa bahay. At kapag kailangan ng tumawag sa puli, ospital, o lokal na pamahalaan ay doon lang naaalala ang mga emergency numbers, na sa kasamaang-palad ay hindi natin nahanda. Kaya habang wala pang masyadong ginagawa, maaring magtanong-tanong sa mga may alam sa emergency numbers ng mga tanggapan ng pulis, mga bombero, ospital, o lokal na pamahalaan.

7. Makiisa sa preemptive evacuation kung kinakailangan.

Kung mag-anunsyo ang lokal na pamahalaan ng preemptive evacuation, mainam na makiisa dito kaysa magsisi sa bandang huli. Tandaan na kaligtasan niyo ng pamilya mo ang nakasalalay sa pagsunod sa mga ganitong direktiba.

 

At yan ang mga ligtas tips na kailangan nating isapuso upang ligtas tayo sa panahon ng tag-ulan at bagyo. Ingat ka, ka-EV!

 

Credits to the following:

http://kalusugan.ph/health-tips-sa-panahon-ng-tag-ulan/

Comments

comments